Magsisimula ang lahat sa konting yayaan. Kung minsan ay biglaan pa. At kung sino-sino lang rin naman mayayaya. Basta game. Basta madaling kausap. Basta maigi kausap.
Boy: Tara mag-swimming!
Girl: Game! Kailan? Anong meron?
Boy: Kailangan pa ba ng dahilan?
Girl: Oh sige, sabi mo eh.
Boy: Balitaan na lang kita kapag tuloy na tuloy na.
Girl: Yey! Kita-kits. Salamat!
Tama naman ang tanong ko di ba? Kailan, saan... mga maayos na tanong ng taong nag-aayos ng kanyang hectic schedule. Anong meron, sinong mga kasama. Aba, tinatanong pa nga ba yon? Eh kung gusto mo naman ang trip at ang nagyaya sa'yo eh, why not, di ba?
At higit sa lahat na konsiderasyon: pera. Laking swerte na lang ng mga taong nakakaipon. Laking swerte ng mga tropang malaki-laki ang allowance. At lalong laking swerte ng mga taong may sumagot sa kanila sa outing.
Lalala lala.
Sa mismong araw ng outing. Alas-sais magsisimula ang saya. Alas-sais ang simula ng reserbasyon. At alas-sais din ang alis sa tagpuan. Kaya bale alas-syete na makakarating sa resort. Alas-syete makakapagsimulang mag-ayos-ayos ng gamit at kakainin, kung mayroon. Alas-syete magsisimula ang kantahan at sunod-sunod na punch ng numero sa videoke.
Pero ang tunay na ingay ay magsisimula bandang alas-otso y media, palapit ng alas-nwebe sa paglalim ng gabi. Tuloy-tuloy ang daloy ng kanta sa videoke, kahit pa walang kumukuha ng mikropono at kumakanta, kahit pa walang pumapansin gano man kakorni ang tugtog, kahit gano pa kasintunado at kairita ang boses ng kumakanta, at lalong kahit na ba walang nakakaalam talaga ng kantang tumutugtog sa background.
Sa ibang dako naman, sinisimulan nang timplahin ang juice. "Ilabas na ang alak na yan." "Oh, itabi yang pagkain, pwede pang pulutan yan." "San na ba ang baso? Ang shot glass? Handa na chaser." "Pwede bang juice lang inumin." "No shot, no juice, no food." Hay, simula na ng kaguluhan. Simula na ng ligaya!
Sa pagikot ng dalawang baso. "Oh, kanino na?" "Ang taas naman!" "Dalawahin kaya natin pinapaikot para mabilis?" "Di naman tayo nagmamadali, ha?" "Ikaw na lang tumagay."
At sa pagtagal pa. "Pass na ko." "Saluhin mo naman akin." "Hoy, medyo nagtatagal ha." "Ilabas na isa pang bote!"
Hanggang sa wala nang nagkamalay kung ilang litro na ba nabuksan, ilang litro na rin natimpla, ilang usapin na rin ang nagdaan, ilang tao na ang nakausap, ilang kanta na ang napalampas, ilang baso na ang nasasayang, ilang pagkain na ang napapapak, o ilang alak pa ang hindi nagagalaw.
Games. "Dyan tayo magaling eh." Hindi mawawala ang mga larong kalokohan at kagaguhan na syang lubusang kumukumpleto at talaga namang nagpapasaya sa isang malakihang outing. Sa pagikot ng mga basong hindi na malaman kung kaninong laway na ang tumulo saan, hindi na rin mababakas sa mukha ng mga kasali ang pananabik sa kaguluhang idudulot ng laro. Hindi maiwasan kabahan pero tagumpay na hindi maipahalata dahil na rin sa kalasingan. Ngunit itong kalasingan sa halip ang lumalabas, at pumupukol sa kahinaan ng tao. Mapapaisip tuloy ang isa: alin na lang kaya--kabahan o malasing? Sa huli ay pipiliin pa rin ang lakas ng tama ng alak sa utak.
Ang kapana-panabik sa mga larong ito ay yun mga gagawin ng mga taong hindi natin akalaing magagawa. Yun mga sinasabi na di lubos maintindihan na mababanggit pala. Yun mga rebelasyong di sukat akalaing iyon ang katotohanan. At sa lahat ng ito, pare-pareho lang rin nakakakaba sa iisang aspeto: yung MALI. Paano kung maling tao ang nasabihan, maling tao ang nagawan, maling tao ang napagpakitaan, maling bagay ang nasabi, maling salita ang nagamit?
Pero sabi nga, anumang nasabi sa inuman ay iiwan dapat sa inuman. Tama?
Sa paglalim pa ng gabi, pagpatak ng hatinggabi, marami nang natumba at hindi na napabilang sa ikot ng baso. Marami nang bumigay at isinuko ang kanina lamang ay kinawiwilihang papakin. Marami na rin syempre ang nag-alisan at inaliw ang sarili sa iba pang entertainment na nakapaligid, gaya ng swimming pool at videoke.
Ngunit syempre, meron at meron pa rin dyan yun mga tumatagal... yun mga nabibitin pa... yun mga hindi na mamalayan hanggang saan ang gusto... at kaya.
Umonti man ang tao, ngunit lumakas naman ang hiyawan at sigawan. Lumakas ang tugtog sa videoke, maging ang kantahan at kawalan ng sinusundang tono. Lalo pa rin lumalakas ang hiritan... hiritang walang humpay sa pagpapautas sa kakatawa ng mga tao... hiritang walang pinipiling biktima... at hiritang walang kinikilingang pasimuno.
Kabilin-bilinan ng lola
Wag kang uminom ng serbesa
Ito'y hindi inuming pambata
Mag-softdrinks ka na lang muna
Pagsapit ng alas-sais ng umaga, mamalayan mo na lang maliwanag na. Hindi mo na maiisip kung saan ka nakatulog, naka-ilang oras ka ng tulog, anong oras ka nakatulog, sinong nakagising sayo, at higit sa lahat ANO PANG NANGYARI BAGO KA MISMO BUMAGSAK. Hindi mo pa mamamalayan naka-ilang litro ka, na ikaw na pala mismo tanggero ng huling bote eh ayaw na ayaw mo nga nagsusukat-sukat ng alak sa baso, o kung ano ba ang huli mong naabutang hiritan.
Oh, eh anong nangyari mula alas-dos hanggang paggising mo?
Maririnig mo na lang sa mga kwento ng mga kasama mo kung anong nangyari sayo... kung anong tunay na nangyari... kung ano pang mga nangyaring hindi mo namalayan.
Saan kamo napunta ang gabi? Ang madaling araw?
Gusto mo ba talagang malaman?
The truth hurts. But in this case, the truth is just that bad--it stings!
Maulit pa kaya ang bonding... ang outing... ang kalokohan... ang mga nangyari?
Kung tutuusin, ano nga naman ang buhay na wala ni katiting na kaligayahan... na hinaluan ang kalokohan?
A big hangover lasts only a day... but our funny, happy, EMBARASSING, drunken moments will last forever.
yahn @ 04:32 PM | Book Of The Yahn [2 comment/s]
subtlebliss

yahn

nakakarelate ka rin? haha